Siniguro ng pamahalaan na nakahanda ang loan programs ng PAGIBIG Fund para sa mga apektadong residente ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni PAGBIG Fund Media Affairs Manager Jack Jacinto, na nakabantay rin ang kanilang hanay sa pinakahuling sitwasyon sa Albay.
Ayon sa opisyal, noong nagdeklara ng state of calamity sa lugar agad nilang inialok sa kanilang mga miyembro ang calamity loan ng tanggapan.
“Nakaantabay po kami at naka-monitor po sa mga nangyayari sa Province of Albay. Sa katunayan, noong nagdeklara po ng state of calamity ang nasabing probinsiya ay agad po nating in-offer ang calamity loan.” — Jacinto
Ayon kay Jacinto, ganito rin ang kanilang ginawa para sa mga residente sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill. | ulat ni Racquel Bayan