Tututukan ng pamahalaan ang relokasyon para sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito, ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Deputy Spokesperson Diego Mariano, ang pinaka-long term plan na dapat maipatupad upang mailayo sa peligro ang ilang residente sa Albay, tuwing mag-aalburoto ang bulkan.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na kailangan ring magkaroon ng permanenteng evacuation centers na maaaring pansamantalang tuluyan ng mga residente doon, sakaling mapalawak ang Permanent Danger Zone ng bulkan.
“Iyon po ‘yung numero uno nating long-term plan – mag-relocate ng mga kababayan na nasa loob at nasa malapit po nga sa danger zone po,” ani Mariano.
Kaugnay nito, muling umapela ng kooperasyon ang opisyal, mula sa mga apektadong residente, na magkusa nang lumikas at huwag nang makipagmatigasan sa mga awtoridad.
“Ang hinihiling lang po ng pamahalaan is kooperasyon lamang po. So kapag sinabi po namin sana na tayo po ay lumikas na, tayo po sana ay magkusa or tayo po’y sumama at huwag na pong mag-resist – ito naman po ay para po sa inyong kaligtasan,” dagdag ni Mariano. | ulat ni Racquel Bayan