Patuloy ang paalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na pairalin ang disiplina at sumunod sa batas trapiko, kahit suspendido ang implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Ito ang pahayag ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes. Aniya, sa kabila ng suspension patuloy ang ginagawang monitoring ng ahensya sa mga lumalabag sa batas trapiko gamit ang closed circuit television (CCTV) cameras.
Batay sa datos, umabot na sa 256,977 ang traffic violations na naitala mula nang masuspinde ang polisiya noong Agosto noong nakaraang taon.
Ilan sa mga paglabag na na-monitor ng ahensya ay Disregarding Traffic Sign, Number Coding, Loading/Unloading, Obstruction, Dress Code, Attended Illegal Parking, Anti-Distracted Driving Act (ADDA), Reckless Driving, at No Crash Helmet.
Matatandaang plano ng MMDA na umapela sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pagsuspinde sa NCAP.
Ang NCAP ay isang sistema na gumagamit ng CCTV footage upang ma-monitor ang mga motorista na lumalabag sa batas trapiko. | ulat ni Diane Lear