Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang naging sentimiyento ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasalukuyang Peace and Order sa bansa.
Ito’y kasunod na rin ng iba’t ibang usaping kinahaharap ng Pambansang Pulisya partikular na ang pagkakadawit ng ilang Pulis sa kalakalan ng iligal na droga na siyang pinakamahigpit na kampaniya ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang panayam kay dating Pangulong Duterte, sinabi nito na dahil sa lumalalang peace and order situation sa bansa, mas mainam na mag-resign na lamang ang mga Pulis at sa halip ay pakilusin ang Militar.
Ayon kay PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo, naniniwala silang “out of frustration” kaya nasabi ito ng dating Pangulo at kanila naman itong nauunawaan gayundin ay itinuturing na isang hamon.
Pero depensa ni Fajardo, ginagawa naman ng PNP ang lahat para linisin ang kanilang hanay partikular na iyong mga nasasangkot sa iligal na droga.
Giit pa nito, kung mawawala ang PNP at papalitan ng AFP ang magte-take over, makaaapekto ito sa peace and order situation lalo’t magkaiba ang kanilang kasanayan.| ulat ni Jaymark Dagala