Nagkaroon ng pulong ngayong araw ang House Sgt at Arms at National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa ilatag na seguridad sa ikalawang State of the Nation Address ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa July 24.
Humarap mismo si NCRPO Dir. Edgar Alan Okubo na siya ring tagapamuno ng Task Force SONA kay House Sgt. At Arms Napoleon Taas para sa 3rd Security Coordinating conference.
Kabilang sa mga napagusapan ang workflow ng online guest processing, parking plan, deployment ng PSG, at daloy ng trapiko.
Kasabay nito ay ipinasilip din ni Okubo kay Taas ang kanilang drones at Mobile Command Center na gagamitin sa araw ng SONA.
Gagamit aniya sila ng military grade drones na may kakayanan putulin ang koneksyon o i-disable ang iba pang drones na posibleng paliparin sa araw ng SONA.
“These drones have the capability to counter anti-drones also…kaya po ng command vehicle na ito, based on the equipment na inilabas naming, it could disable drones flying within the vicinity of this complex para hindi puwedeng gamitin ng ating ibang kaibigan na gustong mag-monitor dito sa loob.” paliwanag ni Okubo
Gagamitin aniya ang naturang drones para makakuha ng real time information ng mga kaganapan sa labas at palibot ng Batasan complex.
Maliban dito ay mayroon aniya itong facial recognition capability.
“this is just for monitoring, hindi naman para sa mga raliyista, but to immediately consolidate real time information and reports of our commanders on the ground. Para hindi delayed. Ibig sabihin ,it will be reported through their radio ang mobile apps at the same time we have real time videos of what they are seeing.” dagdag ng NCRPO Director
Satisfied naman si Taas sa ipinakitang mga kagamitan ng NCRPO.
Isasagawa naman ang huling security meeting sa June 29. | ulat ni Kathleen Jean Forbes