Mahigpit na naka-monitor ang Department of Migrant Workers (DMW) sa sitwasyon sa Russia.
Ito ay matapos na mag-aklas ang private military group na Wagner.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, mayroon silang koordinasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa pagmo-monitor ng sitwasyon sa lugar.
Ipinunto naman ng DMW, na walang labor attaché ang bansa sa Moscow.
Batay sa tala ng DFA, mahigit 10,000 overseas Filipino workers ang nasa Russia sa bilang na ito 9,000 ang nasa Moscow na hindi naman napasok ng Wagner group.
Nauna rito ay sinabi ng DFA, na ligtas at maayos ang kalagayan ng mga Pilipino sa Russia matapos ang 36 na oras na kaguluhan na dulot ng mga miyembro ng private military group.
Pinapayuhan naman ng pamahalaan ang mga OFW sa nasabing bansa, na manatili pa ring mapagbantay dahil sa nagpapatuloy na bakbakan ng Russia at Ukraine. | ulat ni Diane Lear