Nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng simultaneous clean-up drive sa iba’t ibang lugar sa lungsod, sa pakikiisa ng City Health Office, City Sanitation Office, City Environment and Natural Resources Office, Barangay Affairs Office, at General Services Office sa pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month ngayong buwan.
Sabay-sabay na naglinis ang mga street sweepers at mga kawani ng lokal na pamahalaan sa mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok. Ang simultaneous clean-up drive ay ginanap sa mga parke, paaralan, at lahat ng barangay sa Taguig.
Nagpaskil ng 5S Strategy tarpaulins sa mga health center at gumawa din ng bagong jingle tungkol dito — Search and destroy, Self-protection efforts, Seek early consultation, Support misting in outbreak areas, at Sustain hydration — para mapalawig ang impormasyon kung paano maiwasan at malabanan ang dengue.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, desidido silang ipagpatuloy ang mga clean-up drive sa lungsod ng Taguig para tuluyang mapababa ang mga kaso ng dengue, na itinuturing nang isang all-year round disease. | ulat ni Gab Humilde Villegas