Muling hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Brigadier General Red Maranan ang mga mamamahayag na may banta sa kanilang buhay na makipag-ugnayan sa PNP – Public Information Office (PIO) sa kanilang mga lokalidad para mas mabilis maaksyunan.
Ang pahayag ay ginawa ni Maranan kasunod ng pamamaril kay Remate online photographer Joshua Abiad at kanyang pamilya noong Biyernes.
Ayon kay Maranan, mayroon nang gumaganang Presidential Task Force in Media Security (PTFoMS) kung saan ang mga PNP Public Information Officers mula sa National, Regional, Provincial, at local level ang nagsisilbing “focal person” na maaring direktang pagsumbungan ng mga mamamahayag.
Paliwanag ni Maranan, mas mabilis na maaaksyunan ang mga “security concerns” ng media kung dumeretso sila sa PIO sa kanilang lokalidad.
Hinikayat naman ni Maranan ang mga lokal na PIO na magtatag ng “open line of communication” sa mga lokal na press corps para madaling maiparating sa kanila ang concerns ng media. | ulat ni Leo Sarne