Inaasahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mapirmahan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ito ay matapos ang inaasahang pagkakapirma ni House Speaker Martin Romualdez sa enrolled bill ng MIF ngayong linggo.
Matapos mapirmahan ang MIF Bill ay ihahanda naman ng economic team at ng isang konseho ang Implementing Rules and Regulations (IRR) at ang mga taong mangangasiwa ng MIF.
Giit ni Zubiri, dapat ay best of the best ang pipiliin para mangasiwa ng MIF.
Pinunto ng senador na ang maitatalagang mangangasiwa ng naturang pondo ay dapat mayroong karanasan sa private banking at finance.
Mahigpit aniya ang criteria para dito at inihalintulad ang proseso sa pagpili ng mga judges ng Judicial and Bar Council (JBC). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion