Activated na ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City ang Task force El Niño makaraang inanunsiyo ngayon ng PAGASA na ramdam na ang presensiya ng El Niño phenomenon sa bansa.
Paliwanag ng weather bureau, nararanasan ngayon ang ‘weak’ El Niño ngunit inaasahang lalakas pa ito sa mga susunod na buwan.
Kung matatandaan, agad nag-convene ang binuong task force sa pangunguna ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez alinsunod sa Executive Order No. 10 na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa implementasyon ng “whole-of-government approach” sa tinitignang seryosong epekto ng El Niño.
Nakaalerto na ang binuong El Niño Preparedness Task Force sa Dagupan City na mangunguna sa paghahanda sa posibleng tagtuyot na dulot nito.
Hinihikayat din ng alkalde ang 31 Punong Barangay ng lungsod sa pagbuo ng Task Force El Niño sa kanilang nasasakupan.| ulat ni Verna Beltran| RP1 Dagupan