Muling iginiit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na kailangan nang tuluyan na paalisin sa Pilipinas ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito ay kung patuloy aniyang masasangkot ang mga POGO sa mga krimen at kung mambibiktima pa sila ng mga Pinoy na manggagawa.
Ayon kay Go, kung magdudulot lang ito ng kaguluhan sa peace and order situation sa bansa ay pabor siya sa tuluyan nang pag-ban sa mga POGO.
Sinabi ng senador na hindi sasapat ang kakarampot na kita ng gobyerno sa POGO industry kung naglipana naman ang kriminalidad na dulot nito.
Sa ngayon ay dalawang rekomendasyon ang nakabinbin sa Senado kaugnay sa POGO operations.
Kabilang dito ang rekomendasyon ng Senate Ways and Means Committee na tuluyan nang palayasin ang mga POGO habang ang iminumungkahi naman ng Senate Committee on Public Order ay istriktong regulasyon lang.| ulat ni Nimfa Asuncion