Nagpasa ang Sangguniang Panlungsod ng Parañaque ng ordinasa na mag-oobliga sa mga retail at service providers na makita ang portable point-of-sale (POS) system sa kanilang mga kustomer habang sila’y nagbabayad.
Layon ng nasabing ordinansa na tugunan ang laganap na pagkalat at pagbebenta ng mga pribadong impormasyon sa mga scammer.
Ayon sa principal author ng ordinansa na si Parañaque City Councilor Pablo Olivarez II, kung halimbawa na ang merchant ay walang portable POS ay kinakailangang madaling makita ng mga kustomer ang kanilang card reader kapag sila ay nagbabayad.
Dagdag pa ng konsehal, mga biktima ng credit at debit card scams ang kalimitang nagrereklamo sa kanyang tanggapan kung saan kalimitan nangyayari sa mga gasolinahan ang pambibiktima sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga skimming device.
Ipinagbabawal sa ilalim ng nasabing ordinansa ang pagkuha ng ID at credit card mula sa mga kustomer ng hindi rin nakikita. Nakasaad rin sa ordinansa bibigyan ang mga retail at service provider ng isang taon o hanggang sa pag-renew ng kanilang business permit na makakuha at i-update ang kanilang mga POS system.
Ang mga merchants na lalabag sa nasabing ordinansa ay pagmumultahin ng ₱3,000 sa first offense, ₱4,000 sa second offense, at ₱5,000 para sa third offense. | ulat ni Gab Humilde Villegas