Walang patid ang paghahatid ng tulong ng Philippine Red Cross o PRC sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa PRC, patuloy ang kanilang Mayon relief operations kung saan namahagi ng tulong ang kanilang volunteers sa mga evacuation center sa Daraga, Camalig, Guinobatan, Malilipot, Sto. Domingo, pati na rin sa Tabaco at Ligao City sa Albay.
Umabot sa 1,210 na pamilya ang nabigyan ng hygiene kits, 2,436 na pamilya ang nabigyan ng sleeping kits, 35,385 ang nahatiran ng hot meals sa tulong ng PRC food trucks, at nakapamahagi na rin ng mahigit 700,000 na litro ng maiinom na tubig ang PRC water tankers kung saan halos 14,000 na pamilya ang nabenepisyuhan.
Nagtayo rin ang PRC ng first aid stations, welfare desks, at communal kitchens sa mga evacuation center sa Albay.
Tiniyak naman ng PRC na patuloy itong maghahatid ng tulong sa mga residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon. | ulat ni Diane Lear
📷: Philippine Red Cross