Nakapagtanim ng 930,441 tree seedlings sa iba’t bahagi ng rehiyon ang Police Regional Office (PRO) Mimaropa mula Enero ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PRO-Mimaropa Regional Director Police Brigadier General Joel Doria, bahagi ito ng kanilang commitment na pangalagaan ang kalikasan.
Kahanay aniya ito ng 5-Focus agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., partikular ang “community engagement”, kung saan nakikipagtulungan ang PRO-MIMAROPA sa iba’t ibang sektor para lumikha ng mas ligtas, maunlad, at “greener” na lipunan sa Mimaropa.
Pinakahuli sa mga aktibidad na ito ang joint Mangrove Planting Activity sa Sitio Calabugao, Brgy. Lumangbayan, San Teodoro, Oriental Mindoro ng PRO Mimaropa Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) sa pangunguna ni Police Colonel Adonis B. Guzman, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 28th Police Community Relations Month.
Dito ay 2,000 propagules (Mangrove seeds) ang itinanim ng iba’t ibang unit ng PNP kabilang ang San Teodoro Municipal Police Station; Regional Highway Patrol Unit; kasama ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB); Bureau of Jail Managament and Penology (BJMP), and Bureau of Fire Protection (BFP). | ulat ni Leo Sarne