Nangako ang Department of Migrant Workers o DMW na aayusin nito ang mga pasilidad at pagbubutihin ang serbisyo ng Overseas Filipino Workers o OFW Hospital sa Pampanga.
Ito ay matapos punahin ni Senator Raffy Tulfo ang naturang ospital dahil sa hindi maayos na serbisyo.
Ani Tulfo, hindi nagagamit ang full potential ng ospital dahil walang pasyente at limitado ang mga serbisyo.
Sinabi naman ni Migrant Workers Undersecretary Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa tanggapan ni Tulfo hinggil sa mga concern nito.
Dagdag pa ng opisyal, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Budget and Management para matugunan ang kakulangan ng staff sa ospital.
Batay sa pinakahuling datos ng DMW, umabot na sa 13,625 na mga pasyente ang naserbisyuhan ng OFW Hospital sa Pampanga ngayon taon.
Matatandaang inilunsad ito noong May 2022 para mabigyan ng serbisyong medikal ang mga OFW at kwalipikadong dependents nito. | ulat ni Diane Lear