Magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng lima hanggang anim na libong pulis sa paligid ng Batasang Pambansa para sa ikalawang State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, bukod pa dito ang mga tauhan na naka-deploy sa ibang lugar para masigurong hindi makumpromiso ang seguridad sa Metro Manila, partikular sa mga tinaguriang high-crime areas.
Sinabi naman ni Fajardo na sa ngayon ay walang na-monitor na seryosong banta sa seguridad sa SONA, pero hindi pa rin magpapakampante ang Kapulisan.
Patuloy aniya ang koordinasyon ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at House of Representatives (HoR) para masiguro na hindi malulusutan ang ilalatag na seguridad.
Nakiusap naman si Fajardo sa mga nagbabalak mag-martsa sa Commonwealth Avenue na sa mga freedom park na lang isagawa ang kanilang mga aktibidad upang hindi makagambala sa daloy ng trapiko.
Nakahanda rin aniya ang PNP na makipag-usap sa mga grupong nagbabalak ng mga pagkilos para maayos nilang maisagawa ang kanilang aktibidad na hindi nakakaabala sa ibang mamamayan. | ulat ni Leo Sarne