Itinuloy na ngayong araw ang turnover ceremonies sa may walong Heneral ng Philippine National Police (PNP) na kasama sa pinakabagong balasahan na ipinatupad ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Ayon kay Acorda, nagkausap na sila ni National Police Commission (NAPOLCOM) Chairperson at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, at nalinaw na rin nila ang usapin.
Ayaw namang ituring ni Acorda na nagkaroon ng misunderstanding sa pagitan nilang dalawa ni Abalos dahil ang mahalaga, naipatupad din ang naturang balasahan.
Una nang inalmahan ni Abalos ang inilabas na kautusan ni Acorda, dahil kinakailangan pa itong aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kaninang umaga, pormal nang umupo si Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr., na itinalagang acting Regional Director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Habang ngayong hapon, pinangunahan ni Chief Directorial Staff, Police Lieutenant General Michael John Dubria ang pagtatalaga kay Police Major General Edgar Alan Okubo bilang bagong Hepe ng Directorate for Police Community Relations.
Gayundin sina P/MGen. Mario Reyes, na hinirang na Director ng Directorate for Logistics; P/MGen. Jon Arnaldo na ipinuwesto bilang Hepe ng Directorate for Intelligence.
P/BGen. Ronald Oliver Lee na ginawang Director ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development; P/MGen. Eric Noble, na itinalagang Hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management. P/BGen. Samuel Nacion na hinirang na acting Director ng Philippine National Police Academy at P/BGen. Alan Nazarro na nare-assign bilang acting director of the Highway Patrol Group. | ulat ni Jaymark Dagala