Nalalapit na umano na makamit ang pagiging Smart City ng Lungsod ng Muntinlupa, dahil na rin sa patuloy na pagpapabuti ng mga government transaction nito, ayon yan kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon.
Ayon sa alkalde, on-schedule ang pag-abot nila sa kanilang target kung saan nagpapatuloy ang mga proyektong magpapadali sa government transactions, tulad ng pagkakaroon ng online application permit mula sa Office of the Building Official at Assessor’s Office.
Dagdag pa ni Biazon, kahit na hindi high-profile ang kanilang Smart City project magkakaroon umano ng malaking pagbabago sa paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan na tiyak na mararamdaman ng mga Muntinlupeño.
Kamakailan lamang ay kinilala ng Anti-Red Tape Authority ang kanilang Electronic Business One-Stop Shop bilang modelo na dapat gayahin ng mga lungsod at bayan, at tumanggap ito ng 2022 Seal of Good Local Governance. | ulat ni Gab Villegas