Pinagkalooban ng Estados Unidos sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID) ng 13 milyong pisong halaga ng tulong ang mga komunidad sa Albay na apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Binubuo ito ng P11 milyong halaga ng direktang humanitarian assistance, at P1.86 milyong halaga ng educational materials.
Sa pagbibigay ng humanitarian assistance, nakikipagtulungan ang USAID sa International Organization for Migration (IOM) sa pag-suplay ng inuming tubig, essential hygiene items, at emergency shelter sa mahigit 2,500 indibidual sa mga evacuation center sa mga munisipyo ng Camalig, Guinobatan, Libon, Malilipot, at Santo Domingo.
Sa tulong din ng USAID, nakapagpamahahi ng 58 libong family food packs sa mga evacuee ang UN World Food Programme at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Habang 19 na eskwelahan na apektado ng aktibidad ng Bulkang Mayon ang nakinabang sa “learner and teacher kits” na ipinamahagi ng USAID, para sa 6-libong estudyante at 200 guro. | ulat ni Leo Sarne