Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Directorate for Personnel Records and Management Head, General Matthew Baccay, na inaaral ngayon ng pambansang pulisya ang pagdadagdag sa security ng elected officials.
Sa pagtalakay ng ilang panukala ng House Committee on Public Order and Safety ay humingi ng update sa PNP si Laguna Representative Dan Fernandez, Chair ng komite, kung ano na ang mga hakbang na inilatag nito upang hindi na maulit ang malagim na sinapit ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Baccay, batay sa naging pulong ng PNP sa league of governors at mayors kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, napagkasunduuan na paigtingin ang operasyon laban sa guns for hire at paggamit ng ilegal na mga armas.
Magdadagdag din aniya ng check points partikular na sa mga maituturing na hotspot, lalo at papalapit na rin ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30.
Pero hindi kuntento dito si Misamis Occidental Rep. Ando Oaminal.
Aniya, mayroon nang validated threat laban kay Degamo ngunit hindi pa rin ito napigilan.
βThere were already validated threats na po daw, na meron talagang gustong pumatay sa kanya (Degamo). And in fact in one of the statements of SILG Abalos, nasabi po niya na si Governor Degamo was a friend of his and reported to him na meron na talagang mga threats. So if the threats were indeed validated, by the authorities or the intel department po ng PNP, so why is it na hindi po natin na prevent.β ani Oaminal.
Tugon ni Baccay, inaaral na ng PNP ang posibleng pagdaragdag sa bilang ng protective security personnel (PSPs) at protective agents (PAs) na hiling din ng mga local chief executive sa pulong.
Sa kasalukuyan, dalawang PSPs lamang ang pinahihintulutan kada elected official at maaaring madagdagan ng hanggang anim kung mayroong emergency at extreme cases. | ulat ni Kathleen Forbes