Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tulong ng Philippine Army, ang isang mataas na lider ng kilusang komunista sa Purok 8 Barangay Poblacion, Monkayo, Davao De Oro.
Sa ulat ni CIDG Director Police Brig. Gen. Romeo Caramat kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kinilala ang arestadong wanted na indibidwal na si Hannah Alcorin Hitgano alyas “Kat”, 23.
Si Hitgano ay inaresto sa bisa ng warrant na inisyu ng 11th Judicial Region, Branch 17, Davao City sa kasong Rebellion and Insurrection sa ilalim ng Article 134 ng Revised Penal Code.
Ayon kay Caramat, ang akusado ay dating Secretary General ng ANAKBAYAN at Youth Sector Cultural Staff ng Regional White Area Committee (RWAC), Southern Mindanao Regional Committee (SMRC) ng CPP-NPA.
Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng 25th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Monkayo, Davao De Oro. | ulat ni Leo Sarne
📷: CIDG