Aabot sa 18,405 na mga mag-aaral mula sa 32 pampublikong paaralan sa lungsod ng Muntinlupa ang nakatakdang mag-move up o magtapos ng elementarya, junior high o senior high school ngayong linggo sa Muntinlupa Sports Complex sa Barangay Tunasan.
Sa kanyang mensahe, binati ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang mga mag-aaral dahil sa kanilang mga pagsisikap at hangad niya na maging matagumpay ang mga mag-aaral sa susunod na yugto ng kanilang buhay bilang mga mag-aaral at bilang indibidwal.
Ang Muntinlupa National High School (MNHS) (Senior High) ang may pinakamalaking bilang ng mga magsisipagtapos na mayroong 2,851; na sinundan ng Tunasan National High School na may 1,650; at ang MNHS-Junior High department na may 1,365 na magsisipagtapos.
Ang pinakamaliit naman na delegasyon ay mula sa Sucat Elementary School-Sitio Pagkakaisa Zone 4 Annex na may 80 graduates.
Noong Lunes ay 11 paaralan na ang nakapagsagawa ng commencement exercises, habang ang apat na paaralan na may pinakamalaking populasyon ay nakatakdang isagawa ang kanilang commencement exercise sa darating na Biyernes, July 14. | ulat ni Gab Villegas