Kinalampag ni Senate Committee on Public Works Chairman Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na tugunan ang pagbaha sa Metro Manila.
Ayon kay Revilla, dapat agarang tukuyin ng MMDA at DPWH kung bakit napakabilis ang pagbabaha sa ilang mga lugar sa kalakhang Maynila at bakit napakabagal itong humupa.
Ito ay makaraang lumubog sa baha ang maraming lugar sa Metro Manila na naging sanhi ng matinding pagsisikip ng trapiko.
Pinakamalala ang naging sitwayon sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) na halos maghapong hindi umuusad ang mga sasakyan mula sa may bahagi ng Laguna hanggang Crossing, EDSA dahil sa mga bahang bahagi ng kalsada.
Suspetsa ng Senador, posibleng barado ang mga daluyan ng tubig baha.
Tanong tuloy ni Revilla, nasaan ang ipinagmalaki ng DPWH noon na mga pumping stations sa buong Metro Manila na may 100 capacity aniya para sa panahon ng tag-ulan.
Giit ng Senador, dapat tugunan ang problemang ito para sa kapakanan ng mga motorista at mga mananakay na nahihirapang umuwi tuwing bumubuhos ang malakas na ulan. | ulat Nimfa Asuncion