Umarangkada na rin ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ Diskwento Caravan sa Camanava.
Ngayong araw, isa sa mga nagbukas ang Kadiwa ng Pangulo sa Brgy. Baritan Sports Complex sa Malabon City.
Dito, makabibili ang mga residente ng mga sariwang gulay na mula sa mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Kabilang sa iniaalok rito ang puting sibuyas na mabibili sa ₱100 kada kilo, luya ₱80 kada kilo, kamatis na ₱60 kada kilo, ampalaya na ₱60 kada kilo, native talong ₱80 kada kilo.
Mayroon ding highland vegetables gaya ng pechay Baguio na ₱60 kada kilo, Baguio beans na ₱50 kada kilo, patatas at carrots na kapwa ₱120 kada kilo.
Bukod sa mga gulay, mayroon ding isda mula sa Philippine Fisheries Development Authority at murang bigas na ₱25 kada kilo na alok naman ng National Food Authority.
Ikinatuwa naman ng mga residente ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pangulo na malaking tulong dahil hindi na hassle ang pamamalengke lalo ngayong maulan ang panahon
Samantala, bukod sa Malabon, mayroon ding Kadiwa ng Pangulo ang nagbukas sa Navotas Central Park sa Navotas City, Caloocan City Hall, at sa Maysan 3s Center Main sa Maysan Road, Valenzuela City.
Bukas ang Kadiwa store mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. | ulat ni Merry Ann Bastasa