Tumanggap ng pagkilala ang Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa mula sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) dahil sa innovative business registration.
Nanguna ang Muntinlupa LGU sa pitong iba pang lungsod sa mga recipient ng Accelerating Reforms for Improved Service Efficiency (ARISE) awards, dahil sa pagpapabuti ng mga serbisyo ng pamahalaan.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, patunay ang nasabing pagkilala sa commitment ng lungsod na maghatid ng serbisyo publiko sa mga Muntinlupeno.
Ang Business One-Stop Shop (BOSS) ng lungsod at ang electronic format nito na eBOSS ay naglalagay sa mga ahensya sa iisang lokasyon para sa aplikasyon ng business license at permit.
Mayroon rin ang lungsod na Business Permits and Licensing Office Single-Window Transaction (BPLO-SWiT) program, na layong mapalapit ang pagbabayad ng buwis at registration services sa mga negosyante.
Maaari ring mag-renew ang mga business owner ng kanilang permit sa Muntinlupa City Hall pati rin sa pamamagitan ng online, gamit ang kanilang Business E-payment System na makikita sa website ng lungsod.
Kabilang rin sa ARISE awardees ang mga lungsod ng Maynila, Parañaque, Quezon City, Navotas, Marikina, Valenzuela, at Lapulapu City sa Cebu. | ulat ni Gab Villegas