Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito na magkaloob ng “Libreng Sakay” para sa mga maaapektuhang pasahero.
Ito ay kasunod ng ikinasang tigil-pasada ng grupong MANIBELA kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, handa nilang ilabas at gamitin ang kanilang available mobility assets kung saan ilalagay aniya ito sa mga designated chokepoint, at lugar na karaniwang dinaragsa ng mga pasahero.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), para maplantsa ng husto ang ginagawa nilang contingency planning.
Kaugnay nito, nagpaalala nama ang PNP sa mga nagbabalak sumali sa tigil-pasada na huwag pilitin o i-harass ang iba pang mga tsuper na hindi sasama sa kanilang gagawing tigil pasada.
Una nang inihayag ni MANIBELA President Mar Valbuena, na si Pangulong Marcos lamang ang makapagpapahinto sa kanilang tigil pasada na inaasahang lalahukan ng mahigit 200,000 public utility jeepneys. | ulat ni Jaymark Dagala