Naglatag na rin ng mga hakbang ang Quezon City government upang makapagtipid ng tubig lalo ngayong may banta ng El Niño.
Sa kasalukuyan, activated na ang Task Force El Niño ng pamahalaang lungsod para sa mga inisyatibo upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot kabilang ang mahabang water service interruption sa ilang barangay sa lungsod.
Inatasan na ni QC Mayor Joy Belmonte si City Engineer Atty. Dale Perral na mag- install at ng mga rain harvesting systems sa mga city-owned buildings, kabilang ang mga paaralan.
Ayon sa alkalde, maaaring makapag-imbak ng hanggang 6,000 litro ng tubig ulan ang naturang sistema na magagamit pa sa ibang pamamaraan sa hinaharap.
“Malaki ang maitutulong nito para mapagaan ang epekto ng water interruption sa ating lungsod, lalo na sa mga komunidad na maaapektuhan ng water interruption,”
Bukod dito, may mga ongoing na ring retention basin projects ang pamahalaang lungsod na kayang makapag-ipon ng hanggang 200,000 galon ng tubig.
“While retention basins are used for flood mitigation, they can also be a source of stored rainwater,” Perral.
Samantala, inatasan na rin ng alkalde ang Infrastructure Committee (InfraComm) na tingnan ang posibilidad ng paggamit ng drip irrigation technology para sa mas matipid na pagdidilig sa mga ornamental plants at urban farms sa lungsod.
Sa ngayon, tuloy-tuloy naman na ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa water utilities partikular na rin sa mga ongoing na leak repairs.
Maging ang mga Barangay and Community Relations Department (BCRD) ay inatasan na ring makipagtulungan sa mga water concessionaire para sa pagde-deploy ng mga tanker tuwing may water interruption.
Kaugnay nito, hinikayat na rin ng alkalde ang publiko na makiisa sa pagtitipid at maging responsable rin sa pagkonsumo ng tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa