Nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) ngayong araw, patungkol sa preparasyon sa posibleng krisis sa tubig ngayong panahon ng El Niño.
Pinangunahan ni MMDA Acting Chairperson at MMDRRMC Chairperson Atty. Don Artes ang pulong kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan.
Sa naturang full council meeting, sinabi ni Artes na bumili ang MMDA ng rainwater catchment basin para sa mga pampublikong paaralan at barangay upang makontrol ang mga pagbaha.
Dagdag pa ni Artes, mahalaga na malaman kung paano mare-regulate ang paggamit ng tubig.
Iprinisinta ng DOST-PAGASA ang sea surface temperature anomalies at model guidance forecast ng El Niño sa bansa.
Kabilang din sa mga natalakay ang historical elevation ng Angat Dam, na sa kasalukuyan ay nasa above minimum operating level at ang mga kinakailangang aksiyon upang matugunan ang epekto ng El Niño gaya ng pagsasagawa ng cloud seeding operations.
Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga kinatawan mula sa DOST-PAGASA, Metropolitan Waterworks and Sewerage System, at National Water Resources Board. | ulat ni Diane Lear