Higit 1.1-milyong ektarya ng lupang sakahan ang posibleng maapektuhan ng bagyong Egay sa 10 rehiyon sa bansa, ayon yan sa Department of Agriculture.
Sa ulat ng Disaster Risk Reduction and Management ng Department of Agriculture, kabilang dito ang nasa 845,710 ektarya ng pananim na palay, at 341,556 ektarya ektarya ng mais sa CAR, Region I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, at VIII.
Bilang paghahanda, inabisuhan na ng DA ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan.
Pinalilinis na rin ang mga daluyan ng tubig sa mga irigasyon at mga pilapil upang maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring hanguin ng maaga ng kanilang mga isda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malalakas na hangin at alon dahil sa bagyo.
Sa panig ng DA, tiniyak naman nitong tuloy-tuloy na ang paghahanda para ayudahan ang mga maaapektuhang magsasaka at mangingisda ng bagyo.
Kabilang dito ang pag-pre-position ng mga binhi at pakikipag-ugnayan na rin sa mga LGU at Regional DRRM offices. | ulat ni Merry Ann Bastasa