Puspusang ipatutupad ng Philippine National Police ang kampanya kontra droga nang naaayon sa “new face” ng drug war na inihayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address kahapon.
Sa isang ambush interview sa Camp Crame ngayong umaga, sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na ia-align ng PNP ang kanilang mga anti-drug program sa kagustuhan ng Pangulo na tutukan ang rehabilitasyon at drug awareness.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang PNP Chief na maibabangon ang imahen ng PNP, sa pagtanggap ng Pangulo ng courtesy resignation ng ilang mga matataas na opisyal na may kaugnayan umano sa iligal na droga.
Ayon sa PNP Chief, nagsisilbi itong “eye opener” na seryoso ang PNP sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.
Sinabi naman ni Gen. Acorda na makikipag-ugnayan pa siya sa NAPOLCOM para tiyakin kung ilang mga opisyal ng PNP ang tatanggapin ang courtesy resignation.
Wala pa kasi siyang kumpirmasyon sa 18 opisyal na sinasabi ng DILG na aprubado na ang courtesy resignation. | ulat ni Leo Sarne