Umaabot na sa 25 ang mga napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Egay.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, dalawa sa naturang bilang ang kumpirmadong may kinalaman sa bagyo habang ang nalalabi ay for validation pa.
Maliban sa mga nasawi, mayroon ding napaulat na 52 katao ang nasaktan, at 20 na napaulat na nawawala.
Samantala, patuloy ding lumulobo ang bilang ng mga apektadong indibidwal.
Sa ngayon, nasa mahigit 654,000 pamilya o katumbas ng halos 2.4 na milyong indbidwal ang apektado mula sa 4,111 na barangay sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 10, 12, CALABARZON, MIMAROPA, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Cordillera Administrative Region (CAR). | ulat ni Leo Sarne