Nananatili ang rekumendasyon ng Department of Health (DOH) na mag-isolate ang mga magpopositibo pa rin sa COVID-19.
Ito’y kahit pa ganap nang inalis ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang State of Public Health Emergency dahil sa pandemya.
Kasabay nito, naglabas ng updated rules ang DOH para sa isolation at pagsusuot ng mask para sa kumpirmadong nagtataglay ng virus.
Para sa home isolation, kailangang hindi ito bababa ng 5 araw, may sintomas man o wala subalit maaari naman nila itong itigil kung wala silang lagnat sa nakalipas na 24 oras nang walang iniinom na gamot tulad ng paracetamol.
Para naman sa moderate to severe COVID infections, kailangang hindi bababa sa 10 araw ang isolation mula nang maramdaman ang sintomas.
Kailangan ding nakasuot ng facemask ang mga may moderate to severe COVID infections sa loob ng 10 araw.
Hindi na rin kakailanganin ang quarantine para sa mga hindi nakararanas ng sintomas o iyong mga na-exposed sa isang nagpositibo gayunman, kailangan pa rin silang magsuot ng facemask sa loob ng 10 araw.| ulat ni Jaymark Dagala