Patuloy pa ring sinisikap ng Department of Public Works and Highways o DPWH na mabuksan sa daloy ng trapiko ang may 17 road section sa 4 na rehiyon sa bansa matapos hindi madaanan dahil sa pinagsanib na epekto ng habagat at bagyong Egay.
Batay sa ulat ng DPWH kaninang alas-12:00 ng tanghali, nasa 43 mga kalsada na ang nabuksan sa daloy ng trapiko matapos isailalim sa clearing operations.
Kabilang sa hindi pa rin madaanan ay ang Abra-Ilocos at Abra-Kalinga roads dahil sa mga nagtumbahang puno gayundin ang Apayao-Ilocos Norte rd; Claveria-Calanasan-Kabugao rd at Apayao-Ilocos Norte rd.
Gayundin ang Mt. Province – Calanan – Pinukpuk – Abbut rd sa Kalinga at Mt. Data Bagyo section – Bontoc rd, Dantay – Sagada rd at Sagada – Besao – Quirino – Ilocos Sur rd.
May 2 pang hindi madaanang lansangan sa Ilocos Sur, 4 sa Pampanga, 1 sa Zambales at 1 sa Iloilo.
Samantala, may 10 pang mga kalsada ang limitado pa ring madaanan ng mga motorista dahil sa mga nakahambalang nag lupa dulot ng rockslide at nasirang slope protection sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Batay sa datos ng DPWH, aabot na sa mahigit P5 bilyon ang naitalang pinsala sa imprastraktura ng nagdaang kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala