Nasa ligtas nang kalagayan ang tatlong indibidwal makaraang magtamo ng minor injuries kasunod ng pagbagsak ng mga poste ng kuryente sa Binondo Maynila.
Batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), kinilala ang mga biktima na sina Joffer Jhan Dolatre, 32 anyos at John Michael Acibor, 21 anyos na kapwa taga Caloocan.
Gayundin ang isang babae na nakilalang si Beverly Balledo, 25 anyos at taga Brgy. San Rafael, Navotas City.
Pawang nagtamo ng mga gasgas at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tatlo, dahil na rin sa pagkabigla matapos na biglang magbagsakan ang mga poste ng kuryente sa bahagi ng mga kalye Quintin Paredes at Ongpin.
Naging puspusan naman ang pinagsanib na puwersa ng Manila Electric Company (MERALCO), Metro Manila Development Authorithy (MMDA), Manila LGU at mga contractor ng iba’t ibang TelCo upang maisaayos ang kableng humambalang sa lansangan.
Ganap na alas-7 ng gabi, nabuksan na rin sa trapiko ang mga kalye ng Quintin Paredes at Ongpin bagaman nagpatuloy pa rin ang mga kagawad ng MERALCO na ayusin ang mga napinsalang kable. | ulat ni Jaymark Dagala