Lumagda sa isang tripartite agreement ang Energy Regulatory Commission, Iloilo City Government at More Electric and Power Corporation na nagsusulong ng paggamit ng renewable energy resources na magbibigay daan sa pagbaba pa ng presyo ng kuryente.
Sa ilalim ng kasunduan ay maglalagay ang MORE Power ng one-stop shop na nag-aalok ng renewable energy technologies gaya ng Net Metering at Distributed Energy Resources na maaaring pagpilian ng mga consumer.
Ayon kay MORE Power President at CEO Roel Castro ang kasunduan sa pagitan ng ERC at Iloilo City ay bilang pagsuporta sa target ng pamahalaan na mabawasan ang greenhouse gas emissions sa pamamagitan ng paggamit na ng renewable energy resources.
Sinabi ni ERC Chairperson at CEO Atty. Monalisa Dimalanta, sa ilalim ng kasunduan ang ERC ang siyang magbibigay ng technical at regulatory expertise, kabilang dito ang pag-streamline ng documentary submission, installation, payment at permitting processes ng Net-Metering at DER.
Sa panig ng LGU, hinimok ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang mga residente, partikular ang mga maliliit na negosyo na lumipat na sa paggamit ng renewable energy para sa tiyak na pagbaba ng kanilang energy consumption.
Tiniyak din nito ang promosyon ng green practices sa Iloilo City sa pamamagitan ng paggamit pa ng solar panels. | ulat ni Michael Rogas
📷: ERC