Nakahanda na ang Metropolitan Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) sa posibleng pagdami ng mga pasahero, dahil isasailalim ang bahagi EDSA Bus Carousel sa emergency road repair simula mamayang gabi.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, tiniyak ni Transportation Undersecretary for Railways Cesar Chaves na nakahanda ang pamunuan ng Metro Rail Transit, at kaya nitong i-accommodate ang mga commuter na maaapektuhan ng nasabing emergency repairs ng bus carousel.
Inaasahan kasi na sasakay ng MRT ang mga motorista at pasahero na maaapektuhan ng one-time, big-time na emergency repair.
Magpapatupad naman ang MMDA ng traffic management plan, at magde-deploy ng 650 na traffic enforcers sa kahabaan ng EDSA para gabayan ang mga apektadong motorista at commuters.
Batay sa abiso ng Department of Public Works and Highways (DPWH), isasara sa mga motorista ang bahagi ng EDSA Bus Carousel mula sa Balintawak hanggang Buendia Avenue, dahil sa isasagawang emergency repairs simula mamayang alas-10 ng gabi ngayong August 4 hanggang alas-5 ng umaga ng August 9.
Ayon sa DPWH, ang emergency road repair ay dahil sa mga pinsala na iniwan ng mga nagdaang bagyo at habagat sa NCR.
Pinapayuhan naman ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta para makaiwasa sa abala. | ulat ni Diane Lear