Nasa 650 traffic enforcers ang ipakakalat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA upang umalalay sa mga motorista simula ngayong gabi hanggang August 9.
Ito ayon kay MMDA Director for Traffic Victor Nuñez, ay sa gitna ng ipatutupad na ‘one-time, big time repair’ na isasagawa ng mga contractor ng DPWH, simula Balintawak hanggang Buendia.
“At sana po after this five-day na matinding one-time, big-time na road repairs ay ginhawa naman po ang kapalit kasi marami na hong potholes along EDSA, delikado ho sa mga motorista. Dala na rin ito ng matinding pag-uulan for the past few weeks so kailangan na ho talagang kumpunihin ng DPWH.” — Atty. Nuñez.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na sa loob ng panahong ito, magpapatupad ng road repairs, reblocking, at asphalt overlaying sa North at Southbound lane ng EDSA, lalo’t marami na ang potholes sa kalsada, bunsod ng mga naranasang pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
“Starting tonight, pakiusap natin sa lahat ng publiko, kung hindi man kayo may importanteng lakad, huwag na muna kayong lumabas at gumamit ng EDSA, starting tonight. And iyong mga taga-south, kung puwede gamitin na muna ninyo iyong skyway, alam namin na medyo pricey ito, but for your convenience, iyon na lang muna ang gamitin natin, iyong skyway, tutal five days lang naman itong gagawing pagkumpuni ng DPWH, after this, gaganda naman po at giginhawa iyong travel natin along these major thoroughfares.” — Atty. Nuñez. | ulat ni Racquel Bayan