Matagumpay na naidaos ng Lokal na Pamahaaan ng Marikina ang mga gampanin nito bilang host city ng Palarong Pambansa 2023.
Ito ay sa kabila ng mga hamon sa masamang panahon noong kasagsagan ng patimpalak.
Ayon sa Marikina LGU, naiwasan ang mga pagbaha sa barangay na malapit sa ilog kahit pa umabot na sa ikalawang alarm level ang Marikina River, at tanging pre-emptive evacuation lamang ang ginawa ng mga residente.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, maituturing na susi sa tagumpay na ito ang dredging operations sa ilog.
Sinabi ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro, na lumalim at lumawak ang ilog at napataas ang water carrying capacity nito dahil sa patuloy na dredging operations.
Dagdag pa ng alkalde, lahat ng schedule ng games sa Palaro ay nasunod. Walang na-delay, walang na-defer, kaya naidaos noong Sabado ang closing ceremonies ng patimpalak.
Samantala, binigyang diin naman ni Teodoro, na susuportahan niya ang pagpapalakas sa grassroots sports program sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. | ulat ni Diane Lear