Puspusan nang isinasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Region 2 ang malawakang assessment ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, na napabilang sa Listahanan bilang “non-poor”.
Ang validation ay isinasagawa gamit ang Social Welfare and Development Indicators (SWDI) tool upang masuri ang antas ng kondisyon ng pamumuhay ng 4Ps households sa rehiyon.
Ang mga benepisyaryo na masusuri bilang “self-sufficient” ay isasailalim sa case management at opisyal na lalabas sa programa.
Samantala, makakatanggap ang mga apektadong benepisyaryo ng kanilang cash grants batay sa resulta ng SWDI assessment, at sa kanilang pagtalima sa mga itinakdang kondisyon ng programa.
Nauna nang ipinag-utos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang muling pagsusuri sa mga benepisyaryo ng 4Ps, upang mapabuti ang pagpapatupad ng programa. | ulat ni Rey Ferrer