Sinimulan na ng National Housing Authority (NHA) ang konstruksyon ng NavotaAs Homes 5 sa Barangay Tanza, Navotas City.
Isinagawa na kaninang hapon ang groundbreaking ceremony, na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, at local officials ng Lungsod ng Navotas.
Nasa 24 na low-rise building na may tig limang palapag ang itatayo sa lugar, at bubuo ng 1,440 units. Inaasahang matatapos ang unang dalawang gusali sa Hulyo ng susunod na taon.
Ang NavotaAs Residences ay isa sa programang pabahay na inilaan para sa informal settler families na nakatira sa mga mapanganib na lugar sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na ang mga pabahay na ito ay bunga ng pagsisikap ng ahensiya, alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na makapagbigay ng mga de-kalidad, abot kaya at komportableng pabahay para sa informal settler families. | ulat ni Rey Ferrer