Mapapanood na sa 74 na sangay ng SM cinema sa buong bansa na may 348 screens ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) advertisement video ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Nagkasundo ang DILG at SM Prime Holdings na palakasin ang krusada laban sa illegal drugs at magiging isa na rin itong active BIDA partner.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr., ang pagpapalabas ng libre ng BIDA Ads sa lahat ng SM Cinema ay makatutulong para itaas ang kamalayan ng mga manonood at mag-udyok ng kanilang partisipasyon sa paglaban sa iligal na droga.
Asahang mapapanood ito ng 2.5 milyong viewers, bukod pa sa 53.8 milyong followers ng kanilang digital-owned assets.
Ang e-poster format ng BIDA ad ay ipo-post din sa 250 mall directories na makikita ng 4 na milyong mall goers araw-araw.
Maliban sa screening ng BIDA ads, nangako pa ang SM na magsasagawa ng taunang physical, drug test at drug-free seminar para sa mga empleyado at magpapatupad ng mahigpit na security procedures sa SM malls at iba pa. | ulat ni Rey Ferrer