Umaasa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaprubahan ang karagdagang pondo para sa social pension for indigent senior citizens program na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang 2024 national budget.
Batay sa pahayag ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, aabot sa P49.81 bilyon ang inilaan para sa social services sector.
Ang panukalang alokasyon na nagdodoble sa halagang P25.30 bilyon sa 2023 General Appropriations Act
ay ang pagsasakatuparan ng Republic Act No. 11916 o an Act Increasing the Social Pension ng mga mahihirap na senior citizens.
Naging batas ito noong Hulyo 2022, na nagtatakda ng 100% pagtaas sa buwanang pensiyon ng mga senior citizen mula P500 hanggang P1,000.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, nangako ang ahensiya na makikipagtulungan sa National Commission of Senior Citizens para matiyak ang patuloy na suporta ng gobyerno para sa kapakanan ng elderly sector. | ulat ni Rey Ferrer