Pasisiglahin pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang pagtutulungan para maiwasan ang sunog.
Kahapon, nakipagpulong si BFP Regional Director Chief Supt Nahum Tarroza sa Meralco para palakasin pa ang kanilang ugnayan.
Batay sa istatistika, karaniwang pinagmumulan ng sunog ay may kinalaman sa kuryente.
Sa kanyang pakikipagpulong kay Antonio Abuel, Vice President for Facility and Safety Management ng Meralco, sinabi nitong mainam na magkaroon ng technical assistance training ang mga bumbero para madagdagan pa ang kanilang kaalaman.
Binigyang-diin din nito ang active at proactive na pakikipagtulungan ng Meralco sa BFP lalo na sa panahon ng sunog, kalamidad at maging sa pagsugpo sa illegal connection ng kuryente na kadalasang pinagmumulan ng sunog.
Naging bahagi rin ng usapan ang katuparan ng pagpapatayo ng world class facility station at ang kahilingang huwag na sanang maisama sa plate number coding ang sasakyang ginagamit sa pag-responde.
Bukod sa Meralco, kasama rin sa pulong ang mga opisyal at kinatawan mula sa Globe, Converge at Cablelink. | ulat ni Rey Ferrer