Ang mas mataas na pondo para sa travel expenses sa susunod na taon ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan na makahikayat ng dagdag na mamumuhunan sa bansa.
Ito ang binigyang linaw ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman matapos silipin ni KABATAAN party-list Rep. Raoul Manuel ang mataas na travel expense ng ilang ahensya ng gobyerno para sa susunod na taon.
Kabilang dito ang Office of the President na may 71% increase sa panukalang pondo para sa biyahe, Department of Agriculture na may 32% increase, Office of the Vice-President na na-triple at maging ang DBM aniya na humingi ng apat na beses na mas mataas na budget para sa travel.
“From 2022 to 2023 Office of the President, 68% tumaas tapos for next year naman po tumaas din ng 71%. DA from 2022 to 2023 30%, tapos tataas na naman, 32%. OVP po, from 2022 to 2023 naging triple ang travel expenses tapos yung DepEd naman may P1 billion hike papunta this year tapos gusto pa pong taasan next year. Even DBM po ay nanghingi po ng 4 times na funds for travel expenses. Hindi po ba ito sobrang taas?” pagtatanong ni Manuel.
Paalala ni Pangandaman, walang biyahe noong nakaraang mga taon dahil sa pandemiya.
At dahil sa bago itong administrasyon ay kailangang ipakita sa ibang mga bansa na bukas na ang Pilipinas para makipag-transakyon.
Bilang economic managers umiikot rin aniya sila upang makahikayat ng mga investors sa bansa para magkaroon ng dagdag na trabaho.
“Wala pong travel before because of the pandemic and we have to consider po that this is a new administration. We have to show the po sa ibang bansa na our economy is open. And we have new policies na for investments po. For example po diyan, nag DBCC po, your economic team, pumupunta po kami sa iba’t ibang bansa po to get investments po para magkaroon po tayo ng additional na investments at business opportunities at trabaho.” paliwanag ni Pangandaman. | ulat ni Kathleen Jean Forbes