Sa isinagawang command conference ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at paglulunsad ng Oplan Balik-Eskwela 2023 ng Department of Education ngayong araw, hinikayat ang mga guro na sundin pa rin ang ilang health protocols para sa ligtas pagbubukas ng klase sa August 29.
Sa presentasyon ng Department of Health, binigyang diin nito ang BIDA sa Ligtas na Balik Eskwela campaign ng kagawaran na layong matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa pagbabalik-eskwela.
Pinaalalahanan ng DOH ang mga guro na sundin ang BIDA Steps para maging model sa mga bata gaya ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, o di kaya ay paggamit ng alcohol para makaiwas sa mga sakit, pag-iwas sa mga kumpulan lalo na kapag nakababa ang face mask, at panatilihin ang air flow sa mga paaralan.
Ito ay sa kabila naman ng pag-aalis ng State of Public Health Emergency sa bansa.
Samantala, nasa 28 milyon na mga mag-aaral ang inaasahang mag-eenrol para sa School Year 2023-2024, ayon kay Education Undersecretary Atty. Revsee Escobedo.
Tiwala naman si Escobedo na magiging maayos ang pababalik-eskwela sa tulong ng iba’t ibang ahenya ng pamahalaan, pati na rin ang pribadong sektor. | ulat ni Diane Lear