Umabot sa P18 milyong ang naitalang pinsala sa sunog na nangyari sa Colegio De Sta. Rita sa San Carlos City, Negros Occidental, pasado alas-7:00 kagabi.
Ayon kay Fire Chief Inspector Rufino Tañedo, City Fire Marshall ng San Carlos City, umabot sa 3rd alarm ang sunog kung saan 11 fire trucks sa Negros Occidental pati sa Negros Oriental ang rumesponde para apulahin ang sunog.
Nag-umpisa ang sunog sa kaliwang bahagi ng paaralan kung saan nandoon ang accounting office.
Mahigit apat na oras ang isinagawang pag-apula ng mga bumbero bago maideklarang fire out.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa nangyaring insidente.
Ikinalulungkot naman ni San Carlos City Mayor Rene Gustilo ang nangyari sa paaralan na humubog ng libo-libong mag-aaral sa syudad.
Sa kabila ng nangyaring sunog, positibo ang alkalde na babangon ang paaralan sa nangyaring insidente. | ulat ni Paul Tarrosa | RP1 Iloilo