Umapela ang Department of Health (DOH) sa publiko na samantalahin na ang pagkakataon na makapagpabakuna ng Bivalent Vaccines kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni DOH Spokesperson, Dr. Eric Tayag makaraang iulat nito sa pulong balitaan ngayong araw na papaubos na ang suplay ng nasabing bakunang gawa ng kumpaniyang Pfizer.
Sinabi ni Tayag na nasa 69% ng kabuuang 390k doses ng Bivalent vaccines ang naiturok na o katumbas ng nasa 269k indibidwal ang nakatanggap na ng bakuna.
Bagaman nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa COVAX facility para humiling ng karagdagang 1.5 hanggang 2 milyong doses ng bakuna bilang donasyon, wala pa aniyang katiyakan kung kailan naman ito darating.
Paalala pa ng DOH, nananatili pa rin banta ng COVID-19 kaya’t hindi dapat magpaka-kampante ang publiko at ang pinakamabisang pangontra rito ay ang pagpapabakuna. | ulat ni Jaymark Dagala