Bukas si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. kung sakaling magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado sa nangyaring pagpatay ng mga tauhan ng Navotas City Police kay Jemboy Baltazar na napagkamalang suspek sa krimen.
Sa isang ambush interview matapos pormal na buksan ang Chief PNP Cup Shooting Competition sa Marikina ngayong umaga, sinabi ni Gen. Acorda na ginagalang niya ang “wisdom” ng Senado.
Paliwanag ng PNP Chief, magandang pagkakataon ito para makita kung ano ang mga kailangang gawin para hindi na maulit ang pangyayari, lalo pa’t “in aid of legislation” ang imbestigasyon.
Nabatid na parehong nagsumite sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros ng magkahiwalay na resolusyon para imbestigahan ang pagpatay kay Baltazar.
Kinuwestyon ng dalawang mamababatas ang mistulang labis na pwersang ginamit ng mga pulis sa naturang operasyon. | ulat ni Leo Sarne
📷: PNP-PC