Nanindigan ngayon ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig na sapat na ang desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa Makati City na ilipat sa kanilang pangangasiwa ang 10 Enlisted Men’s Barrio o EMBO Barangays
Ito ang iginiit ng Taguig LGU makaraang ipakalat ng Makati LGU ang “initial assessment” mula naman sa Office of the Court Administrator ng Korte Suprema na ipinadala sa Executive Judge ng Makati Regional Trial Court.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, ginagamit lamang ng Makati ang usapin ng ‘writ of execution’ para mapigilan ang anito’y paglilipat ng mga nasabing barangay sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
Bagaman iginagalang naman ng Taguig City LGU ang inilabas na initial assessment ng Office of Court Administrator ng Korte Suprema, naniniwala silang ito ay isa lamang opinyon at labas na sa legal authority nito.
Ipinunto pa ng Taguig LGU na kumilos na rin ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education o DepEd at Department of the Interior and Local Government o DILG para sa maayos na paglilipat sa 10 mga Barangay.
Kaya naman malinaw ayon sa Taguig LGU na kinikilala na mismo ng iba’t ibang Kagawaran ang naging desisyon ng SC kaya’t hindi rin sila titigil sa paghahanap ng mga legal na pamamaraan laban sa mga nagnanais sagkaan ang karapatang iginawad sa kanila ng High Tribunal. | ulat ni Jaymark Dagala