Tinatayang nasa P86.8 milyon na halaga ng iba’t ibang prutas, karne, at, isda ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs at Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement.
Katumbas ito ng 364,000 na kilo ng iba’t ibang prutas, karne, at isda na natuklasan sa 13 cold storage facilities sa Philstorage Corporation na matatagpuan sa M. Naval Street sa Navotas City.
Ayon kay Dennis Solomon ng DA Inspectorate Enforcement, nasa P5.6 milyon ang halaga ng karne o 28,000 na kilo ng bulok na karne ng kalabaw na galing umano ng India.
Nasa P77 milyon naman ang halaga ng agri-fisheries o iba’t ibang uri ng isda na katumbas ng 308,000 kilo gaya ng salmon, golden pampano, tuna, galunggong, scalops, pusit, fish fillet.
Nasa P4.2 milyon naman ang halaga ng prutas na katumbas ng 28,000 kilo.
Natuklasan din na mayroong ipinakikita na sanitary phytosanitary import clearance para sa mga prutas.
Gayunman, ito ay susuriin ng mga awtoridad upang matiyak na hindi recycle ang dokumento.
Sa ngayon, sinelyuhan na muna ng BOC ang mga storage facility upang hindi na mailabas ang mga nasabat na prutas, karne, at isda. | ulat ni Diane Lear